Buhos

Normal na umaga lamang ito para kay Ligaya.

Kahit na makulimlim ang panahon at hindi nagpakita ang araw, bumangon siya para sa panibagong hamon. Maaninag sa kaunting liwanag na tumatama sa kanyang mata ang pag-asang nawala na ang kanyang dinadala. Ngunit kasabay ng kanyang pagtihaya ay ang pagbungad ng nakatambad na katotohan.

Isang kwarto. Madilm at halos walang laman ngunit punong puno ng sakit na nagmumula sa kanya. Bawat araw, bawat minuto, nag-iiwan siya ng bakas ng masalimuot na pakiramdam na hindi niya mawari ang pinanggalingan.

Lumibot ang kanyang mata hanggang sa napatitig na lang sa kawalan, sa kadiliman na parang walang katapusan. Tumayo siya at humakbang papalapit dito. May halong pagkamangha at lumbay ang kanyang mata.

Unang hakbang.

Inaanyayahan siyang magpalamon.

Pangalawa.

Napatanong siya sa kanyang isipan, umaga na ba talaga, may umaga pa ba?

Pangatlo.

May liwanag bang darating?

Kasabay nito ang pag sinag ng ilaw mula sa kanyang cellphone sa kama. Dinampot niya ang cellphone, at binasa ang text mula sa isang kaibigan.

“Magandang umaga, Ligaya. Kamusta?” Sa simpleng paalala, nadama niyang hindi siya nag iisa.

Sandali siyang nakalimot kaya’t kanyang binuksan ang ilaw sa kwarto. Nabalot ng liwanag ang silid pero nawala nga bang ang kadiliman?

Hindi na niya ito masyadong inisip pa. Nagsimula ang kanyang araw sa pagpunta sa kusina upang lamanan ang kanyang tiyan at bigyang lakas ang katawang gusto na lamang bumigay at tumigil.

Nagpakulo siya ng tubig  at dumampot ng pandesal dahil nauna nang kumulo ang kanyang tiyan.

Ilang sandali ng katahimikan… kapayapaan. Maari pang maging maganda ang araw niya. Ngumiti siya ng kaunti at kumagat sa pandesal ngunit hindi parin mapunan nito ang pagkukulang na kanyang nadarama.

Hindi pagkaing pisikal ang kanyang kailangan. Maaring pagmamahal pagkat kaytagal na niyang nag-iisa.

Hindi pa ba siya nasanay o nakuntento sa kung anong meron siya. Kaibigang nakakaalala, tirahan at kumportableng pamumuhay. Ano pa ba?

Pagmamahal, bulong ng kanyang isipan.

Kumirot ang kanyang puso. Sino ang magmamahal sa kanya?

Kasabay ng lalong pag init ng tubig sa takure ang biglang pag lamig ng paligid. Napatingin siya sa salamin at marahang lumapit na tila hindi niya kilala ang makikita rito.

Pagkaharap niya sa salamin, kulong kulo ang kanyang kalooban. Hindi niya gusto ang kanyang nakikita, puro mali. Imperpekto at hindi kagandahan, sino ba naman ang magbibigay ng pag-ibig sa isang imahe ng dilag na sisidlan ng mga kapintasan.

Mula ulo hanggang paa – tinitigan niya ang kanyang sarili na para bang isang istranghera.

Parang may suot siyang ibang pagkatao. Nais niyang magpalit ng iba.

Hindi niya maatim ang nakikita kaya’t tumungo siya sa banyo.

Agad siya nagpakalunod sa kanyang nadarama habang pinapaagos ang tubig sa kanyang katawan. Ni hindi na niya tinaggal pa ang kanyang damit. Na para bang malilinis ito kasabay ng pag alis ng dumi sa kanyang sarili.

Hubad na ang kanyang kalooban. Basang basa sa luha na hindi alintana sa agos ng tubig mula sa paliguan.

Parang hindi pa sapat ang shower kaya’t makailang beses pa siyang nagbuhos gamit ang tabo.

Unang buhos.

Nawawala na ba ang mga hinanakit niya?

Pangalawang buhos.

Natatangay ba ng tubig ang kanyang tiwala sa sarili?

Pangatlo

Maitatanggi ba mahalimuyak na buhok at katawan ang takot na palaging umaalingasaw?

Sa bawat kuskos sa balat at bawat haplos ng sabon. Siya’y umaasa na magbabago ang lahat, na mawawala ang lahat. Na hindi na siya si Ligaya pagkatapos ng kanyang pagligo.

Ngunit walang nangyayari. Hindi umagos kasama ng tubig ang kanyang galit, lungkot, pagkabalisa. Nais na lamang niyang lunurin maging ang kalooban niya.

Napaupo na lamang siya sa sahig, habang patuloy ang pagbaha ng emosyon. Tulala. Hanggang sa bumalik siya sa kanyang ulirat. Tinignan niya ang kanyang sarili at pagkatapos ay tumingala sa pinagmumulan ng tubig.

Ang bawat patak ay tumatama sa kanyang mukha na parang ulan. Napapikit siya at napaisip.

Pakiramdam niya’y para siya naliligo sa ulan, tinatamasa ang kalayaan at kalawakan ng paligid. Inaalala ang malulungkot na pangyayari sa kanyang buhay, ngunit, mayroon ring saya.

Bakit hindi yon ang kanyang nakikita?

Na hindi lang iisa ang mukha ng kanyang istorya.

Palaging may dilim, ngunit may liwanag rin.

Saan nga ba siya nakatuon?

Sa pagbuhos ng tubig mula sa shower, kanyang nadama ang labis na pagkahiya sa sarili habang nabubuo ang munting realisasyon.

Kung sa madlim na silid ay may ilaw na naghihintay na buksan.

Kung sa bawat kulo ng tubig ay may paghupa at pagkalma.

Maari ba, na may magmahal sa isang katulad niya?

Tumayo siya sa kanyang kinakatayuan, hinubad ang kanyang damit at inanlawan ang katawan.

Pagkatapos ay nagmamadali siyang lumabas at nagpalit ng malinis na damit. Tumungo siya mula sa harap ng salamin.

Tumitig ng mabuti.

Hindi pa rin nagbago ang kanyang panlabas na hitsura.

Huminga siya ng malalim at ngumiti.

Meron.

Maaring mayroong nagmamahal sa katulad niya.

Unang una na siya.

Si Ligaya.

Ang tanong ay meron pa ba?

 

 

 

One thought on “Buhos

Add yours

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

Create a website or blog at WordPress.com

Up ↑

%d bloggers like this: